
Nanindigan sa isang media roundtable discussion ngayong Huwebes, October 29 si dating Department of Information and Communication Technology o DICT Undersecretary Jeffrey Dy, na hindi dapat maipasa bilang batas ang Senate Bill 2424 o Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces Act.
Ito ay dahil masyado umanong malawak ang saklaw ng “definition” ng Senado pagdating sa social media, kung saan kabilang umano dito ang lahat ng digital platform na may social interaction.
Dagdag pa ni Dy, masyadong delikado, hindi lang para sa bata ang nasabing panukalang batas, dahil nangangahulugan lang ito na lahat ng gagamit ng social media platform ay kailangang mag-register para patunayang nasa edad 17 pataas na sila.
Posible umanong maging resulta nito ay mga banta sa privacy ng users ng platform, kung saan pwedeng magamit sa krimen ang kanilang mga personal na datos.
Maliban sa Senate Bill 2424, kailangan din umanong silipin ang House Bill 11566 o Children’s Digital Safety, Protection, and Well-Being Act, dahil pareho umanong panukalang batas ay walang algorithmic transparency at personalization, na makakatulong sana para masampahan ng kaso ang anumang platform na lalabag sa batas.
Sa kabilang banda, dinaluhan naman ang nasabing round table ng mga legal at digital experts, kabilang sina Ross Fallorina, Managing Diretor ng Sigla Research Center at si Carlos Nazareno, Director for Technology ng democracy.net.ph.
Chelsea Arcilla, RMN Manila










