
Inaasahang tataas sa 26,000 metriko tonelada ang taunang produksyon ng palay sa Alfonso Lista, Ifugao mula sa dating 900 metriko tonelada, kasunod ng pagpapasinaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ₱1.49 bilyong irrigation system sa lalawigan.
Sa ilalim ng Alfonso Lista Pump Irrigation System, magkakaroon ng sapat na patubig ang 2,300 ektarya ng sakahan na pakikinabangan ng 1,315 magsasaka sa apat na barangay.
Kasabay ng pagtaas ng ani, inaasahan ding tataas sa ₱159 milyon ang pinagsamang taunang kita ng mga magsasaka mula sa dating ₱16 milyon.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalaga ang sapat na patubig upang mapataas ang produksyon at kita ng mga magsasaka, lalo na sa mga sakahang dati ay walang maaasahang suplay ng tubig.
Tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na pagtatayo ng mga pasilidad ng patubig, kabilang ang mga solar-powered irrigation system, upang mapanatili ang produksyon sa kabila ng tagtuyot.
Bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang mapalawak ang mga sakahang may patubig, mapataas ang produksyon ng palay at mapalakas ang suplay ng pagkain sa bansa.










