
Buo ang pag-asa ng House Prosecution Panel na mabubuksan ang selyadong kahon ng Bureau of Internal Revenue sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ang BIR box ay naglalaman ng mga tax records ni VP Duterte at mister na si Atty. Mans Carpio at kasama sa mga ebidensya hinggil sa alegasyong hindi maipaliwanag na yaman ng bise presidente.
Sa panahon ng pre-trial conference ay mariing tinutulan ng defense team ni VP Duterte na mabuksan ang BIR Box.
Pero ayon kay House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., maari pa rin itong mabuksan sa mismong paglilitis kay VP Duterte na magsisimula sa July 6.
Sinegundahan ito ni House trial spokesperson Rep. Zia Alonto Adiong sa pagsasabing kahit noong Corona impeachment trial ay nakapagmarka din ng mga ebidensya sa panahon isinasagawa na ang paglilitis.










