Tuesday, October 13, 2026

Senate Impeachment Court, naglabas ng schedule ng impeachment trial sa Nobyembre

Naglabas ang Senate Impeachment Court ng schedule para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa darating na Nobyembre.

Simula ngayon ay may 26 araw ang Impeachment Court na magpahinga sa paglilitis kasunod ng pagtatapos ng prosecution team sa presentasyon ng kanilang mga testigo at ebidensya.

Sa inilabas na schedule, sa pagbabalik ng sesyon sa November 9 ay mag-co-convene ang Senate Impeachment Court ng alas-10:00 ng umaga at magdaraos naman ng sesyon ng hapon at saka magpapatuloy ulit ang paglilitis.

Sa November 10 ay maghapon naman ang paglilitis o mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi.

Sa November 11 naman ay alas-10:00 ng umaga ang trial at sa hapon ay magtitipon ang Senado bilang legislative body.

Mula November 12 at 13, at November 19 at 20 ay buong araw ulit ang trial na mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi.

Sa November 23 ay alas-10:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon naman ang paglilitis.

Ilalatag at aayusin pa ng Impeachment Court ang trial schedule sa Disyembre.

Sa pagbabalik ng sesyon sa November 9 ay defense team na ang sasalang sa impeachment trial kung saan pagkakataon na ng respondent na si Vice President Sara Duterte na kontrahin ang prosekusyon sa inihaing Article 2 o ang unexplained wealth at hindi tamang pagdedeklara ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).

Facebook Comments