
Pinasisilip ni Sen. Loren Legarda ang pag-angat ng classification ng Pilipinas sa upper-middle-income-country (UMIC) na itinakda ng World Bank Group (WBG).
Iginiit ng senadora na masarap mang pakinggan ang pag-angat ng classification ng bansa pero mahalagang makita kung ito ay nararamdaman ng mga ordinaryong Pilipino.
Inihain ng senadora ang Senate Resolution no. 505 na may layuning busisiin kung ano ang epekto nito sa kabuuan ng pamumuhay ng mga Pilipino.
Sabi ni Legarda, hindi ito tagumpay lamang ng isang administrasyon kundi Ito ay bunga ng pawis, sakripisyo, at tibay ng loob ng mga Overseas Filipino Worker (OFW), manggagawa, magsasaka, mangingisda, propesyunal, at mga Pilipinong nagtaguyod ng bansa sa loob ng maraming dekada.
Ang tunay na sukatan ng kaunlaran ay kung mararamdaman ng bawat pamilya ang ginhawa sa kanilang araw-araw na pamumuhay, hindi lamang sa mga numero ng ekonomiya.
Inaatasan ng Resolution No. 505 ang Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), sa pakikipag-ugnayan sa Department of Finance (DOF) at iba pang ahensya, na magsumite ng komprehensibong ulat hinggil sa implikasyon ng UMIC status.
Kabilang dito ang mga polisiya at mga estratehiya para maramdaman ang benepisyo sa lahat ng sektor, inaasahang epekto sa concessional financing, official development assistance, grants, at loan terms, epekto sa sovereign borrowing, credit perception, fiscal space, at public investment planning at kung paano pagbutihin ang serbisyo publiko.










