Saturday, July 11, 2026

Pamamahagi ng relief assistance sa mga residenteng apektado ng Bagyong Inday at Habagat, sinimulan na ng DSWD

Nagsimula na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng relief assistance sa mga residenteng apektado ng bagyong Inday at Habagat.

Ayon kay Asst. Secretary Irene Dumlao ng DSWD Disaster Response Management Group (DRMG), ang kanilang mga Field Offices (FOs) ay nagsimula nang mamahagi ng tulong sa mga kababayan natin na naapektuhan ng Bagyong Inday at ng habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Aniya, nasa ₱69,000 na halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi na sa pamilya na naapektuhan ng malakas na ulan sa Canlaon sa Negros Oriental.

Sa DSWD Field Office 9 sa Zamboanga Peninsula, nasa ₱23,000 na halaga ng tulong ang naibigay na sa mga residente ng Zamboanga City.

Nakapagbigay na rin aniya ang Department ng mga kahon ng ready-to-eat food (RTEF) sa mga stranded na pasahero sa iba’t ibang port na apektado ng bagyo.

Samantala, nakapagbigay na ang DSWD FO 12 sa SOCCSKARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, and General Santos) ng 1,000 RTEF boxes, 200 sleeping kits at 50 rolls ng tarpaulin para sa mga pamilyang apektsdo ng Tropical Storm Inday sa Malapatan, Sarangani Province.

Inihanda na rin ng FO ang mahigit 29,000 family food packs (FFPs) na ipapamahagi sa mga apektadong pamilya sa Sultan Kudarat.

Sa ngayon, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan at nagpaalala sa ating mga kababayan na maging alerto at patuloy na makinig sa mga local chief executive para maiwasan ang ano mang disgrasya sa panahon ng kalamidad.

Facebook Comments