SINADYA? | Estudyante, sugatan nang atrasan ng jeep na nakaalitan nito

Manila, Philippines – Sugatan ang isang estudyante matapos atrasan ng driver ng pampasaherong jeepney na nakaalitan nito dahil lamang sa pamasahe sa Maynila.

Batay sa kuha ng CCTV, bumaba ang dalawang lalaki sa jeep sa may tapat ng Quiapo Church.

Tila nakikipagtalo pa sila sa driver hanggang sa biglang umatras nang mabilis ang jeep at sinasagasan nito si Agustin bago tumakas.


Hindi naman naplakahan ng kaklase ng biktima ang jeep na wala ring ibang sakay nang maganap ang insidente.

Ayon kay Marife Olaguer, ina ng 19-anyos na si Marvin Agustin, aminado siyang nakainom ang anak na galing sa isang pagdiriwang sa Caloocan.

Aniya, bahagi ng ulo ng kaniyang anak ang matinding natamaan at kinailangan ring tahiin ang tenga nito.

Sabi ni Superintendent Julius Domingo, hepe ng Sta. Cruz Manila Police, lumabas sa kanilang imbestigasyon na sinadya ng driver na atrasan ang biktima kaya sasampahan nila ito ng kaukulang kaso.

Gayunman, patuloy na inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng driver.

Umapela rin sila sa posibleng nakasaksi sa insidente o sa sinumang makapagbigay ng impormasyon hinggil sa kaso na makipag-ugnayan sa pulisya.

Facebook Comments