Thursday, June 25, 2026

Social media platforms, dapat ding managot sa hindi pag-aksyon sa mga posts na nagpapakita ng karahasan at nakaka-alarmang asal

Iginiit ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo Ompong Ordanes sa Department of Information and Communication Technology (DICT) na papanagutin ang mga social media platforms na hindi umaksyon at nag-report sa cybercrime authorities at pulisya ng mga posts na nagpapakita ng karahasan at nakakaalarmang asal.

Pangunahing inihalimbawa ni Ordanes ang mga social media posts ng dalawang menor de edad na suspek bago nila isinagawa ang malagim na pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Kaugnay nito ay hiniling din ni Ordanes sa DICT at Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na gawin ang nararapat na hakbang hinggil sa social media ng mga menor edad na suspek sa magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa loob ng dalawang paaralan sa Cavite.

Kasama ding pinabibigyang-pansin ni Ordanes ang iba pang mga social media post ng mga karahasan, tulad ng hazing, nitong mga nakaraang buwan o taon.

Diin ni Ordanes, mahalagang mapreserba ang lahat ng electronic, digital, at visual evidence na magagamit para matiyak na mapaparusahan ang mga suspek at mabibigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang pamilya.

Facebook Comments