Tuesday, June 30, 2026

SP Win Gatchalian, nagsagawa ng physical inspection sa Senado para sa gaganaping impeachment trial sa Lunes

Nagsagawa ng physical inspection ngayong umaga sa session hall at sa mga committee rooms si Senate President Win Gatchalian para sa isasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Lunes.

Sinilip at tiniyak ni Gatchalian ang kahandaan ng Senado magmula sa mga pasilidad, mga kwarto para sa prosecution team, defense team at media gayundin sa seguridad sa Mataas na Kapulungan.

Bawat committee rooms ay personal na inisa-isa ni Gatchalian ang inspeksyon at aniya handa na sila para sa idaraos na impeachment trial sa Lunes.

Sinabi pa ni Gatchalian na patuloy din ang improvement na gagawin kahit pa nagsisimula na ang impeachment trial.

Sa session hall ay makikitang nakaayos na ito bilang impeachment court kung saan naroroon na ang witness stand, ang magkabilang pwesto ng prosecution at defense team, at nakaayos na rin ang mga upuan ng mga senator judge at sa gitna ng podium ang pwesto ng presiding officer.

Facebook Comments