
Susuriing mabuti ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development ang pagpapatupad ng Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice and Welfare Act of 2006.
Napuna ni Senator Erwin Tulfo, Chairman ng naturang komite, na napakalaki at napakalinaw ng mga kakulangan sa pagpapatupad ng batas.
Ito ay dahil na rin sa sunod-sunod na mga kaso na kinasangkutan ng mga menor de edad kabilang ang insidente ng pamamaril sa Tacloban at mga kaso ng pananaksak sa Negros Occidental at lalawigan ng Cavite.
Noon pang 2019 ay pinuna na ni Tulfo ang pagpapatupad ng batas partikular sa kakulangan ng pondo para sa pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa centers at kinuwestyon ang pagiging epektibo ng kasalukuyang edad ng criminal liability.
Tiniyak ni Sen. Erwin ang pagtutok ng kanyang komite sa pagkakaroon ng functional na pasilidad na na mga Bahay Pag-asa, epektibong intervention programs para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR), at ang pagpapatupad ng mahigpit na pananagutan sa mga magulang na mapapatunayang nagpabaya.
Kukunin din ng senador ang pananaw ng mga eksperto at lahat ng sektor kasama ang mga magulang para bawat anggulo ng batas ay mahihimay at masisilip ang lahat ng probisyon para sa maayos na implementasyon.










