
Tutol si Senator Bam Aquino sa pagiging bukas ng Malacañang sa “blanket ban” o tuluyang pagbabawal sa mga video games kasunod ng karumal-dumal na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang paaralan sa Tacloban City.
Paliwanag ni Aquino, maraming pag-aaral na ang nagsasabing walang kaugnayan ang mga video games sa nangyayaring mga school shooting incident at hindi rin ito ang dahilan na humahantong sa marahas ang paguugali ng isang bata.
Puna ni Aquino, 50 taon na ang mga video games at palagi na lang itong nagiging “scapegoat” sa tuwing may nangyayaring insidente ng karahasan at hindi solusyon sa problema ang tuluyang pagban dito.
Nanawagan si Aquino na sa halip magpatupad ng blanket ban sa mga video games ay magpatupad na lang ng mahigpit na age restrictions para sa mga laro na may temang mature rating tulad sa mga pelikula.
Tinukoy ni Aquino na mayroong pananagutan ang mga game developers na gawing mas ligtas ang mga online gaming platforms para sa mga bata at may mahalagang papel ang mga magulang para bantayan at gabayan ang mga anak mula sa mga nilalarong video games na naaayon sa kanilang edad.










