
Labis na ikinadismaya ng mga motorista ang matinding traffic na nararanasan ngayon sa EDSA kasunod ng kilos protesta na inorganisa ng Iglesia ni Cristo o INC.
Sa ating panayam sa mga motorista, inabot na sila ng ilang oras sa biyahe at late na sa trabaho dahil sa perwisyo umanong dulot ng rally.
Sinabi ni Arnold Diaz na galing sa Montalban, Rizal, mahigit tatlong oras na ang kanyang biyahe na dati ay isa’t kalahating oras lamang.
Aniya, dapat ay sa weekend nila isagawa ang kilos protesta bilang konsiderasyon sa mga may trabahong papasok ngayong araw.
Malaki aniya itong abala sa kanya at hindi rin kumpleto ang kanyang sahod ngayong araw.
Samantala, para kay Romuel Celino, bagama’t malaking abala ang dulot ng naturang rally, karapatan ng bawat isa na maghayag ng kanilang hinaing.
Lalo na’t kung ang kilos protesta ay para naman sa kapakanan ng lahat.










