Wednesday, May 20, 2026

Senado, iimbestigahan na ang mga patong-patong na reklamo sa napakataas na singil sa kuryente

Sisiyasatin na ng Senate Committee on Energy ang mga reklamo ng biglang pagtaas ng singil sa kuryente.

Nababahala si Energy Committee Chairman Pia Cayetano sa biglang pagdami ng mga consumers na nagrereklamo sa napakataas na singil sa kanilang kuryente mula nang pumasok ang tag-init at sumiklab ang gyera sa Middle East.

Tinukoy ng senadora na binubuo ang electricity bill ng iba’t ibang singil tulad ng generation, transmission, distribution, systems loss at iba pang charges tulad ng lifeline subsidy, senior citizen discount, at feed-in tariff para sa renewable energy.

Sinabi aniya ng mga distribution utilities at maging ng Energy Regulatory Commission (ERC) na legal ang mga singil na ito batay sa umiiral na batas at buwis.

Pero, iginiit ni Sen. Pia na hindi sapat na legal lamang ang mga singil kundi ito ay dapat nakakabuti rin sa interes ng taumbayan.

Sa susunod na linggo naman itatakda ang imbestigasyon sa problemang ito na layong makapaglatag ng reporma sa sektor ng enerhiya.

Facebook Comments