Limampung kabataan mula sa lungsod ng Dagupan, sumasailalim sa dalawampung araw na Summer ARAL Program ng Department of Education o DepEd.
Opisyal nang inilunsad ang Summer ARAL Program o Academic Recovery and Accessible Learning sa lungsod, kasabay ng isinagawang 2026 Brigada Eskwela Division Kick-Off.
Limampung mag-aaral mula sa Bonuan Boquig Elementary School o BBES ang unang sumailalim sa nasabing programa.
Layunin nitong mapabuti at mapalakas ang foundational skills ng mga bata sa pamamagitan ng puspusang pagsasanay sa pagbabasa sa loob ng dalawampung araw.
Personal na dinaluhan at nakiisa sa aktibidad ang pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Dagupan, kung saan aktibo nilang sinamahan ang mga kabataan sa kanilang pagbabasa.
Kasama ring nagpaabot ng suporta sa paglulunsad sina Schools Division Superintendent Dr. Marciano Soriano Jr., Dagupan City Police Office City Director Arnold Solomon, at Schools Principal IV Dr. Agape Nabua.
Inaasahan na ang hakbang na ito ay makatutulong nang malaki upang ihanda ang kakayahan ng mga mag-aaral bago ang pormal na pagbubukas ng panibagong taon ng pagtuturo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










