TOP 2 MOST WANTED SA DAGUPAN CITY, TIMBOG SA DALAWANG KASO NG STATUTORY RAPE

Tuluyan nang nahuli ang isang 43-anyos na lalaki na itinuring na Top 2 Most Wanted Person sa Dagupan City matapos siyang arestuhin ng mga pulis noong Agosto 18.

Pinangunahan ng Police Station 4, kasama ang City Intelligence Unit (CIU) at City Investigation and Detective Management Unit (CIDMU), ang operasyon.

Ang suspek ay wanted sa dalawang kaso ng statutory rape sa ilalim ng Article 266-A ng Revised Penal Code na walang piyansang itinakda.

Ayon sa rekord ng pulisya, ang suspek ay isang 43-anyos na church servant at residente ng Dagupan City.

Matapos ang pag-aresto, dinala siya sa DCPO Custodial Facility, kung saan siya mananatili habang kinukumpleto ang mga kinakailangang dokumento at proseso para sa pagharap sa korte.

Naitala rin sa operasyon ang paggamit ng body-worn cameras at alternative recording devices ng mga pulis. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments