
Ikinatuwa ni Customs Commissioner Bien Rubio ang sunod-sunod na operasyon na ginagawa ng kanilang mga tauhan kontra smuggling.
Partikular ang isinagawang hakbang ng Customs Intelligence and Investigation Service at the Manila International Container Port (CIIS-MICP) sa pangunguna ni Director Verne Enciso.
Matatandaan na nagkasa ang grupo ni Enciso ng magkasunod na operasyon sa Pasay, Parañaque at Makati City hinggil sa mga umano’y smuggled na luxury cars na ibinenta via online.
Ayon kay Enciso, aabot sa P1.4 billion ang halaga ng smuggled luxury vehicles sa Pasay at Parañaque City habang P366 milyon sa Makati kung saan nag-o-operate pa ito noong 2023 nang walang binabayarang duties at taxes.
Bukod dito, inaalam na rin ng BOC kung may iba pang mga kasabwat ang mga nasa likod ng mga nagbebenta ng luxury vehicles at kung ilan na ang nakabili.
Sinabi naman ni Atty. Vincent Philip Maronilla, Assistant Commissioner ng BOC, halos katumbas ng halaga ng sasakyan ang presyo ng dapat bayaran na buwis.