
Nag-usap sa telepono sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at European Commission President Ursula von der Leyen kasabay ng pagtatapos ng negosasyon para sa Free Trade Agreement o FTA ng Pilipinas at European Union.
Ayon kay Pangulong Marcos, mahalagang hakbang ito para mas mapalakas ang ugnayan ng Pilipinas at EU, lalo na sa kalakalan at pamumuhunan.
Inaasahang magbubukas ang kasunduan ng mas maraming negosyo at trabaho para sa mga Pilipino, pati mas malaking oportunidad para sa mga magsasaka, manufacturer at maliliit na negosyo o MSMEs.
Maaari rin aniyang magbukas ito ng bagong oportunidad para sa Pilipinas sa artificial intelligence, digital technology at iba pang mahahalagang sektor.
Sinabi ng Pangulo na sisikapin ng gobyerno na mapakinabangan ng mga Pilipino ang mga oportunidad na maidudulot ng kasunduan.
Inaasahan naman ang pormal na pagtatapos at paglagda sa makasaysayang trade agreement ng Pilipinas at European Union.










