SUPER COMMUNITY HOSPITAL SA UMINGAN, PANGASINAN, MALAPIT NANG MAKUMPLETO

Patuloy ang konstruksyon ng Super Community Hospital sa bayan ng Umingan na inaasahang magsisilbing kauna-unahang model hospital para sa libreng pagpapaospital sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay Governor Ramon Guico III, ang proyekto ay nakatayo sa apat na ektaryang lupain at target na ganap na makumpleto sa pagitan ng Abril at Mayo 2026.

Sa pinakahuling ulat noong Hunyo 12, 2026, umabot na sa 90 porsiyento ang kabuuang completion ng ospital, na inaasahang makapagbibigay ng de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng lalawigan.

Nakatakdang magkaroon ang pasilidad ng mga subdivided rooms, patient wards, at iba pang modernong pasilidad upang mas maayos na mapagsilbihan ang mga pasyente.

Bukod dito, plano ring magtayo ng campus ng Pangasinan Polytechnic College sa loob ng development area upang palawakin ang oportunidad sa edukasyon para sa mga kabataan.

Kasama rin sa master plan ng proyekto ang pagtatayo ng mga sports facilities, mga silid-aralan, at malawakang pagtatanim ng mga puno upang mapanatili ang maaliwalas at mas malinis na kapaligiran.

Kapag ganap nang natapos, inaasahang magiging malaking tulong ang Super Community Hospital lalo na sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal ngunit kapos sa kakayahang magbayad ng gastusing pang-ospital, bilang bahagi ng layunin ng pamahalaang panlalawigan na mapalawak ang akses sa libreng serbisyong pangkalusugan para sa mga Pangasinense. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments