Saturday, May 2, 2026

Suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka, ipinaalala ulit ng grupo ng mga magsasaka bago ang planting season

Magiging kritikal ang sitwasyon sa suplay ng bigas sa bansa sa huling quarter ng taon dahil sa pagsipa ng presyo ng mga prokuktong petrolyo.

Ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG, masuwerte ang mga magsasaka dahil nakapag-harvest na ang mga ito ngayong season bago pumutok ang giyera sa Middle East na dahilan ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Pero siguradong sa ikalawang cropping season ay maaapektuhan na ang mga magsasaka dahil simula sa pagtatanim hanggang anihan ay gumagamit ng makinarya ang mga magsasaka.

Dagdag pa riyan ang pagtaas ng fertilizer na nasa P1,500 sa isang bag base sa huling monitoring ng grupo.

Kaya mangangailangan aniya ng karagdagang P15,000 na pondo ang mga magsasaka na mayroong isang ektarya ng lupain dahil 10 bags na fertilizer ang kailangan dito.

Nandiyan din aniya ang bayad sa irigasyon at iba pang gastusin kaya’t posibleng aabot sa P30,000 ang kakailanganing ayuda ng mga magsasaka.

Mula rin sa dating gastos ng mga magsasaka na P60,000 sa kada ektarya ay posibleng aabot ngayon sa P90,000 hanggang P120,000.

Kaya hiling ng SINAG na tulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng pamahalaan ng fertilizer subsidy, cash voucher at fuel subsidy para siguradong makapagtanim ng palay ang mga magsasaka.

Aniya, posibleng tumaas pa ang presyo ng bigas kapag hindi makapagtanim ang mga magsasaka ngayong season na maibebenta sa huling quarter ng taon.

Facebook Comments