
Naayos na ang supply ng tubig sa dalawang eskwelahan nasa Bulacan na napuna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa Malacañang press briefing, sinabi ni Local Water Utilities Administration Administrator Atty. Jose Moises Salonga na agad nila itong inimbestigahan para makita ang problema at agad din kinumpuni ng kanilang mga tauhan.
Lumabas aniya sa imbestigasyon na sa kaso ng Santisima Trinidad Elementary School sa Malolos, tumama sa isang linya ng tubig ang ginagawa ng Department of Public Works and Highways o DPWH contractor, kaya bumaba ang pressure sa 51% lamang.
Sa Tibagan Elementary School naman sa San Miguel Bulacan, nakitang hindi konektado sa main distribution line ng water district ang source ng tubig kundi sa isang deep well lamang na over saturated na.
Dahil dito, kinumpuni na aniya ito para malagay na mismo sa distribution line ng water district upang matiyak ang sapat na suplay sa paaralan.
Ayon kay Salonga, bagama’t parehong joint ventures ang dalawang water service providers, umaksyon na agad ang LWUA para makatugon sa utos ni PBBM na bago mag-June 16 ay may sapat nang tubig ang dalawang eskwelahan para sa maayos na kalinisan at kalusugan ng mga bata at mga guro.