Suspek na Bumaril sa Retiradong Empleyado ng ISELCO, Patay Matapos Makipagbarilan sa mga Pulis!

*Alicia, Isabela-* Dead on Arrival sa pagamutan ang suspek na bumaril sa isang retiradong empleyado ng ISELCO matapos makipagpalitan ng putok ng baril sa mga pulis dakong alas otso y medya kagabi sa Brgy. Calaocan, Alicia, Isabela.

Kinilala ang namatay na suspek na si Antonio Benitez, nasa tamang edad at residente ng nasabing lugar habang ang biktima naman ay kinilalang si Romeo Pasion, animnapu’t anim na taong gulang, isang retiradong empleyado ng ISELCO at residente ng Brgy. Magsaysayg, Alicia, Isabela.

Batay sa inisyal na pagsisiyasat ng PNP Alicia, parehong nag-iinuman sa isang bahay-inuman sina Benitez at Pasion at pagkalipas ng ilang sandali ay paalis na ang suspek sa naturang inuman nang biglang maglabas ng baril at pinagbabaril si Romeo Pasion sa kanyang bahaging tiyan.


Agad na tumakas ang suspek patungo sa bahay ng kanyang kinakasama at dito sinundan ng mga rumespondeng pulis hanggang sa nagkaroon na ng palitan ng putok ng baril sa pagitan ng suspek at sa mga pulis na nagresulta sa pagkakabaril ng suspek na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Samantala, nasa kritikal na kalagayan ngayon ang biktima na nasa isang pagamutan habang patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ang PNP Alicia.

Facebook Comments