SUSPEK SA HIT AND RUN SA BAYOMBONG, NUEVA VIZCAYA, ARESTADO

28
Arestado ang isang drayber na suspek sa nangyaring hit and run ng isang construction worker sa Bayombong, Nueva Vizcaya noong Biyernes, Hulyo 29, 2022.

Kinilala ang suspek na si Mark Gil Miranda, 45 taong gulang, residente ng Brgy. Magsaysay, Bayombong Nueva Vizcaya.

Ayon sa Police Regional Office 2 (PRO2), nakorner at di nakalusot sa checkpoint ng Diadi Police Station ang noon ay tumakas na suspek.

Base sa ulat ng PNP Bayombong, habang minamaneho ng suspek ang isang SUV sa national highway, Brgy. Magsaysay, aksidente niyang nabunggo nang naglalakad na biktimang si Julie Pasion, 45 taong gulang sa harap ng isang gasolinahan bandang alas 10:30 ng gabi.

Sa lakas ng impact ng aksidente, tumilapon ang biktima ng humigit kumulang dalawampung metro ang layo at nagtamo ng mga sugat at galos sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nagawa pang isugod sa pagamutan ang babae ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.



Si Miranda ay nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at ngayon ay nasa kustodiya ng PNP Bayombong, Nueva Vizcaya.

Facebook Comments