Nagtamo ng minor injuries ang limang pasahero ng isang Toyota Tamaraw FX matapos mawalan ng kontrol sa manibela ang driver at bumaliktad ang sasakyan sa Provincial Road sa Barangay Lelemaan, Manaoag, Pangasinan, nitong Setyembre 28.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, patungong Urdaneta City ang Tamaraw FX bandang ala-una ng hapon nang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang driver.
Dahil dito, bahagyang natamaan ng Tamaraw FX ang side wheel ng isang tricycle bago ito tuluyang dumiretso sa drainage, sumalpok sa bakod ng isang bahay at bumaliktad.
Nagtamo ng minor injuries ang limang pasahero ng Tamaraw FX, habang wala namang naiulat na malubhang pinsala sa driver nito at sa driver ng tricycle.
Agad na rumesponde ang Manaoag MDRRMO at Manaoag PNP upang asistihan ang mga sangkot at maiahon ang bumaliktad na sasakyan.
Patuloy namang pinaaalalahanan ang mga motorista na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang sasakyan, sumunod sa mga batas-trapiko at pairalin ang pag-iingat sa bawat biyahe. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






