ULAT HINGGIL SA BARIL, PROHIBITED SUBSTANCE SA BINMALEY CATHOLIC SCHOOL, PINABULAANAN

Pinabulaanan ng pamunuan ng Binmaley Catholic School ang kumakalat na impormasyon hinggil umano sa pagkakaroon ng baril at mga ipinagbabawal na substance sa loob ng kanilang campus.

Sa opisyal na pahayag ng school administration na inilabas sa pamamagitan ng Facebook post noong Setyembre 28, sinabi ng paaralan na matapos ang nararapat na beripikasyon, walang katotohanan at factual basis ang naturang ulat.

Nilinaw din ng pamunuan na wala silang na-verify na insidenteng may kinalaman sa pagkakaroon ng baril sa loob ng kanilang premises, taliwas sa kumakalat na impormasyon.

Dahil dito, nanawagan ang paaralan sa mga mag-aaral, magulang, guro, personnel at iba pang miyembro ng school community na iwasang gumawa, magbahagi o mag-repost ng mga hindi beripikadong impormasyon.

Binigyang-diin ng administrasyon na maaaring magdulot ng takot at pangamba sa mga magulang at mag-aaral ang pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon, lalo na kung may kaugnayan ito sa seguridad ng paaralan.

Patuloy naman umano ang pagpapatupad ng Binmaley Catholic School ng mga safety at security protocol, kabilang ang mahigpit na monitoring at regulasyon sa pagpasok sa school premises, security measures, at mga response procedure sakaling magkaroon ng lehitimong safety concern.

Samantala, sinubukan ng IFM News Team na kunan ng pahayag ang pamunuan ng paaralan kaugnay ng naturang usapin, ngunit tumanggi muna ang mga itong magbigay ng pahayag. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments