Saturday, October 10, 2026

Tauhan ng Office of the Ombudsman at GSIS, nag-inspeksyon sa binakbak na dating opisina ni Sen. Jinggoy Estrada

Nagsagawa ng inspeksyon ang mga tauhan ng Office of the Ombudsman sa iniwang dating opisina ni Senator Jinggoy Estrada.

Kinumpirma ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na ginawa ang inspeksyon noong araw ng Huwebes.

Nag-ocular inspection din ang mga tauhan ng Government Service Insurance System (GSIS) na siyang nagmamay-ari ng gusaling inuupahan ng Senado.

Nilinaw ni Bantug na wala namang request para makapag-inspeksyon ang Commission on Audit (COA) pero sumulat sa kanya ang ahensya at humihingi ng paglilinaw sa isyu.

Matatandaang nitong Lunes ay ikinagulat ng mga senador sa mayorya ang natuklasang tila delubyo sa iniwang opisina ni Estrada na lilipatan naman ng kasalukuyang Senate President pro-tempore Senator Tito Sotto III.

Naaabutan na lamang kasi na baklas lahat ng kagamitan magmula sa tiles sa sahig, panels sa dingding, electric outlet, mga ilaw, cabinets, at hindi rin pinalagpas ang toilet seat.

Nauna namang sinabi ng opisina ni Estrada na standard practice ang ganung pagbakbak ng opisinang iiwanan at sariling pera ng senador ang pinaggastos nito at hindi pera ng taumbayan.

Facebook Comments