Task force kontra kidnapping, binuo kasunod ng pagpaslang sa negosyanteng Filipino Chinese

Bubuo na ng Task Force ang Department of Justice (DOJ) katuwang ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) matapos ang mga napaulat na insidente ng kidnapping sa bansa.

Sa pulong balitaan sa DOJ, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na layon nitong maging maayos ang koordinasyon ng mga ahensiya sa pagresolba sa mga kaso ng kidnapping.

Sa kaso naman ng pagdukot at pagpaslang sa negosyante na si Anson Que, sinabi ni Remulla na nagkaroon na sila ng dayalogo sa Filipino-Chinese businessmen upang tiyakin na gumagawa ng hakbang ang gobyerno.

Hiniling din ng kalihim ang kooperasyon sa mga law enforcement at ng komunidad para maresolba ang mga kaso.

Inaasahang sa susunod na linggo naman ilalabas ang hotlines na tatawagan ng mga may nalalaman sa ganitong kaso.

Dinukot at pinaslang si Que kahit na dalawang beses nang nagbayad ng ransom sa mga kidnapper.

Facebook Comments