Friday, August 28, 2026

Ilang lokal na opisyal ng Magalang Pampanga at may-ari ng Chuangxing Steel, inireklamo sa Office of the Ombudsman

Inireklamo ng Gross Neglect of Duty at Grave Misconduct Conduct Prejudicial to the best Interest of Service at paglabag sa Clean Air Act sa Office of the Ombudsman ng ilang mga residente ng Barangay Navaling at San Roque ang 9 na lokal na opisyal ng Magalang, Pampanga noong Lunes, August 24.

Ito ay dahil umano sa kawalan ng aksyon ng mga lokal na opisyal hinggil sa matagal nang reklamo noong 2023 sa nakalalasong usok, mabahong amoy at polusyon dala ng ilegal na tunawan ng bakal sa Chuanxing Steel Corporation, na una ng sinalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Ayon sa mga nagrereklamong residente, naapektuhan umani ang kanilang kalusugan dahil sa polusyon, maging ang tubig ay nagkaroon din umano ng masamang amoy at hindi nila magamit dahil sa perwisyo ng nasabing ilegal na tunawan ng bakal.

Kabilang sa inireklamo ay sina Magalang Incumbent Mayor Maria Lourdes Lacson, dating Vice Mayor na ngayon ay municipal administrator Norman Lacson, kasama ang mga opisyal at may-ari ng Chuanxing Steel Corporation.

Kinasuhan din ang tagapamuno ng Municipal Environment and Natural Resources Office, Health Office, Planning and Developtment Office, Engineering Office, barangay Navaling chairman Juanito Napo at barangay San Roque chairman June Marimla.

Layon umano ng pagsasampa ng reklamo na hindi na maibalik ang operasyon ng Chuanxing Steel Corporation at mapanagot ang mga opisyal ng Magalang na nagpabaya para mapigilan sana ang operasyon nito.

Samantala, tumanggi naman munang magbigay ng pahayag sa media si Mayor Lacson at iba pang mga sinampahan ng kaso dahil wala pa daw silang natatanggap na kopya ng reklamo mula sa Office of the Ombudsman.

Facebook Comments