Ayon sa paunang imbestigasyon ng Alcala Police Station, ang anim na sasakyan ay pawang bumibiyahe patungong silangan at magkakasunod na umaandar sa iisang linya. Nang makasalubong ng mga ito ang isang funeral procession mula sa kabilang direksyon, huminto ang unang limang sasakyan upang magbigay-daan.
Gayunman, ang ikaanim na sasakyan, isang Ford Everest na minamaneho ng isang 68-anyos na babae mula sa Natividad, Pangasinan, ay umano’y hindi nakahinto agad at bumangga sa likurang bahagi ng isang motorsiklo at traysikel na nasa unahan nito.
Dahil sa lakas ng bangga, nagtulak-tulak ang mga sasakyang sangkot. Naipuwersa ang isang traysikel patungo sa isa pang traysikel na tumawid pa sa kabilang lane, habang ang isa pang sasakyan ay nabangga rin sa likuran ng dalawang kotse sa unahan.
Bunga ng insidente, nasugatan ang 61-anyos na drayber ng motorsiklo at ang mga babaeng pasahero ng dalawang traysikel. Agad silang isinugod sa Del Carmen Hospital sa Rosales, Pangasinan upang mabigyan ng kaukulang lunas.
Lahat ng anim na sasakyang sangkot ay nagtamo ng pinsala at kalaunan ay dinala sa Alcala Police Station para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang kabuuang pananagutan ng mga sangkot sa aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








