
Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na handang handa na ang Kamara para sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa July 27.
Sinabi ito ni Dy makaraang pangunahan niya kahapon ang final SONA run-through at inspeksyon sa plenary hall at iba pang estratehikong bahagi ng Batasang Pambansa.
Diin ni Speaker Dy, tungkulin nila na tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito hindi lamang para sa pamahalaan kundi para sa bawat Pilipino.
Binanggit ni Dy na batay sa napagkasunduan ng Kamara at ng Office of the President ay magiging simple pero marangal ang SONA kung saan magbibigay ang Pangulo ng ulat sa kalagayan ng bansa at ng direksiyong ating tatahakin.
Ayon naman kay House Secretary General Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, handa na ang extensive contingency measures na kinabibilangan ng pagtatalaga sa iba’t ibang lugar sa Batasan Complex ng 30 medical personnel mula sa house medical and dental service.
May dagdag din aniyang medical teams mula sa St. Luke’s Medical Center, Diliman Doctors Hospital, Philippine Heart Center, at East Avenue Medical Center at mga first responders mula sa Department of Health (DOH), local government units (LGU), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine National Police (PNP).










