Isang 29-anyos na lalaki na wanted sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang naaresto ng pinagsanib na pwersa ng Lingayen Police Station at Rosario Municipal Police Station ng Cavite Police Provincial Office noong Hunyo 6, 2026, dakong alas-8:07 ng gabi sa Barangay Poblacion, Lingayen, Pangasinan.
Ang suspek ay binata, isang fighting cock handler, kasalukuyang naninirahan sa Barangay Estanza, Lingayen, Pangasinan, at tubong General Trias City, Cavite.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng Warrant of Arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Fourth Judicial Region, Branch 88 sa Cavite City noong Mayo 25, 2026. Nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Article II, Section 12 ng Republic Act 9165 sa ilalim ng Criminal Case No. 30-2025.
Matapos maaresto, dinala ang suspek sa Lingayen Police Station para sa kaukulang dokumentasyon. Kalaunan ay isinuko siya sa mga tauhan ng Rosario Municipal Police Station, Cavite PPO, PRO-4A para sa wastong disposisyon at pagproseso ng kanyang kaso.
Patuloy namang pinaigting ng kapulisan ang kanilang kampanya laban sa mga wanted person upang mapanagot ang mga indibidwal na may kinakaharap na kaso sa batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






