TATLONG BAHAY, APEKTADO NG SUNOG SA MANGALDAN; PINSALA, TINATAYANG NASA ₱250,000

Tatlong bahay ang apektado ng sunog sa Barangay Guilig, Mangaldan, Pangasinan noong Oktubre 15, 2026, na nagdulot ng tinatayang ₱250,000 na pinsala sa mga ari-arian.

Ayon kay Eduardo Garcia, may-ari ng isa sa mga bahay na nasunog at chief tanod ng barangay, nagpapahinga lamang siya sa unang palapag ng kanilang tahanan matapos dumalo sa isang aktibidad ng barangay nang mapansin nila ang usok.

Sa kanyang pagsisiyasat, nakita niya ang apoy na tumutupok na sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Dagdag ni Garcia, wala silang naisalbang mga ari-arian dahil sa mabilis na paglaki ng apoy. Gayunman, nagpapasalamat sila dahil walang nasaktan sa insidente.

Ayon kay FO3 Jhon Paul Abrazaldo, fire arson investigator ng Bureau of Fire Protection o BFP-Mangaldan, nagsimula ang sunog pasado alas-dose ng tanghali at agad na rumesponde ang mga bombero, katuwang ang mga fire personnel mula sa mga karatig-bayan.

Sinabi ni Abrazaldo na nadamay din sa sunog ang dalawa pang katabing bahay matapos kumalat ang apoy mula sa unang bahay na natupok, na gawa sa mga light material.

Tinatayang umabot sa ₱250,000 ang kabuuang halaga ng pinsala sa tatlong bahay.

Patuloy na iniimbestigahan ng BFP-Mangaldan ang sanhi ng sunog at ang kabuuang pinsalang idinulot nito.

Samantala, umaapela ng tulong sa lokal na pamahalaan ang mga pamilyang nasunugan upang makapagsimulang muli at makapagtayo ng kahit maliit na masisilungan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments