Isang karangalan at malaking tagumpay ang natamo ng tatlong mag-aaral mula sa Dagupan City matapos makapasok sa Top 10 ng October 2026 Certified Public Accountants Licensure Examination (CPALE), batay sa mga resultang inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC).
Nanguna sa libo-libong kumuha ng pagsusulit si Tyron Jones Timoteo Acuña, na nakakuha ng 92.00 porsiyentong rating upang masungkit ang unang puwesto o Rank 1 sa nasabing pagsusulit.
Hindi rin nagpahuli sina Razilee Panday de Vera, na nakakuha ng ikapitong puwesto (Rank 7) na may 90.67 porsiyentong rating, at Lawrence Dave Estrada Macaraeg, na pumuwesto sa ikasampung puwesto (Rank 10) matapos makakuha ng 90.17 porsiyentong rating.
Patunay ang tagumpay ng tatlong bagong Certified Public Accountants (CPA) sa kanilang pagsisikap, dedikasyon, at determinasyong maabot ang kanilang mga pangarap.
Isa rin itong patunay sa kalidad ng edukasyon at pagsasanay na hatid ng Kingfisher School of Business and Finance, matapos makapagtala ng 100% passing rate ang eskwelahan kung saan lahat ng 55 examinees ay matagumpay na nakapasa sa nasabing pagsusulit.
Ang pagkakaroon ng tatlong kinatawan sa Top 10 ng pambansang pagsusulit ay isang malaking karangalan hindi lamang para sa paaralan kundi sa buong lalawigan ng Pangasinan.
Higit pa sa matataas na markang kanilang nakuha, nagsisilbing inspirasyon ang kanilang tagumpay sa iba pang mga mag-aaral na nangangarap maging Certified Public Accountants. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










