
Sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa tatlong kasunduan sa Japan para palawakin ang digital finance, infrastructure at AI-powered smart city projects sa bansa.
Target ng kasunduan na gawing mas moderno at konektado ang mga lungsod sa Pilipinas, kung saan nakatakdang gawing modelo ang Makati para sa “intelligent city initiatives.”
Sa ikalawang araw ng state visit ng Pangulo sa Tokyo, lumagda ng Memorandum of Understanding ang Ayala Group at mga nangungunang Japanese companies para sa high-tech at digital projects.
Kabilang dito ang partnership ng Ayala Group, Mynth o GCash, MUFG at Mitsubishi Corporation para palakasin ang digital finance at iba pang digital platforms.
Kasama rin sa plano ang AI-powered systems, urban data platforms, digital city services, mas maayos na connectivity at smart mobility systems.
Ayon sa Malacañang, inaasahang magdadala ito ng dagdag na investment at oportunidad sa mga Pilipino.










