Monday, August 31, 2026

TATLONG MIYEMBRO NG AETA NA NAWALA MATAPOS TUMAOB ANG MOTORBANCA SA MAPANUEPE LAKE, ZAMBALES, NATAGPUAN NA

‎Natagpuan na ang tatlong nawawalang pasahero matapos tumaob ang isang motorbanca sa Mapanuepe Lake sa bayan ng San Marcelino, Zambales noong August 27, 2026.

‎Unang natagpuan ang mga labi ng dalawang batang Aeta noong August 29, 2026 habang natagpuan naman ang labi ng buntis na Aeta kahapon, August 30, 2026.

‎Natagpuan ang mga ito sa pamamagitan ng walang humpay na search and rescue (SAR) operation ng mga Philippine Coast Guard (PCG) at ng mga awtoridad.

‎Kinumpirma ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab na kabilang ang dalawang batang Aeta sa mga iniulat na nawawala matapos ang insidente na positibo rin na kinilala ng kani-kanilang mga ama.

‎Batay sa ulat, miyembro sila ng komunidad ng mga Aeta mula sa Sitio Lumibao at kabilang sa 13 pasaherong lulan ng motorbanca.

‎Nagtungo umano ang mga ito sa isang community health center upang tumanggap ng pagkain at gamot at lumahok sa isang vaccination program bago bumiyahe pauwi nang mangyari ang trahedya.

‎Ayon sa mga nakaligtas, biglang lumakas ang hangin at alon habang nasa gitna ng lawa ang kanilang sinasakyang motorbanca, dahilan upang makaranas ito ng malakas na hangin at maalong tubig bago tuluyang tumaob.

‎Ayon sa huling ulat, umabot na sa siyam ang kumpirmadong nasawi matapos ang insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments