
Pinag-iingat ang publiko sa haze na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa, na posibleng dulot ng usok mula sa sunog sa Kalimantan, Indonesia.
Sa air quality update ng DENR-Environmental Management Bureau alas-8:00 kaninang umaga, maaarinsg nadala patungo sa Pilipinas ng umiiral na hangin ang usok mula Indonesia habang posible ring may ambag ang iba pang local sources gaya ng usok ng mga sasakyan.
Sa Metro Manila, partikular na binabantayan ang PM2.5 o maliliit na particles sa hangin. Umabot sa “Very Unhealthy” ang antas nito sa monitoring stations sa Caloocan, Las Piñas, Muntinlupa at Parañaque.
Sa Quezon City-Ateneo station naman, “Good” ang PM10 pero “Unhealthy for Sensitive Groups” ang PM2.5.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga bata, senior citizen at may respiratory o cardiovascular condition, na bawasan muna ang matagal na outdoor activities. Kung kailangang lumabas sa lugar na kapansin-pansin ang haze, mas mainam na magsuot ng N95 o katumbas na mask.










