The Voice US Season 26 grand winner Safronio Vasquez III, binigyang pagkilala ng Senado

Binigyang pagkilala ng Senado ang “The Voice US Season 26” grand winner na si Safronio Vasquez III.

Sa Senate Resolution 1262 ay binigyang papuri at pagkilala ng Mataas na Kapulungan ang tagumpay ng kauna-unahang Filipino at Asyano na nakakuha ng titulo sa The Voice USA matapos magwagi sa patimpalak noong December 10, 2024.

Pinuri ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada ang ipinamalas ni Safronio na hindi nagpapatalo na ugaling Pilipino at ang kanyang mga naunang kabiguan ay hindi naging hadlang para kamtin ang tagumpay.


Umaasa si Estrada na ang pambihirang tagumpay na ito ni Safronio ay magsilbing inspirasyon sa mga Pilipino para pagsikapan ang kanilang mga pangarap at magtiwala sa kakayahan.

Dagdag naman ni Senator Joel Villanueva, pinatunayan ng tagumpay ni Safronio na pang “world class” talaga ang mga Pinoy at dahil sa ating kababayan ay tumaas ang respeto ng ibang mga lahi sa ating mga OFWs at sa mga migranteng Pilipino.

Kanina bago magbukas ang sesyon ay pinangunahan ng The Voice US grand winner ang pag-awit ng Lupang Hinirang.

Personal ding nagpasalamat si Safronio sa mga senador sa ipinasang resolusyon ng pagkilala sa kaniya at inalayan niya ng kaniyang winning piece na “A Million Dreams” ang mga mambabatas.

Facebook Comments