Thursday, April 23, 2026

TOP 1 MOST WANTED PERSON SA POZORRUBIO, NAHULI NG PULISYA

Matagumpay na naaresto ng mga awtoridad ang itinuturing na Top 1 Most Wanted Person sa municipal level sa isang isinagawang operasyon sa Brgy. Amagbagan, Pozorrubio, Pangasinan noong Abril 22, 2026.

Pinangunahan ng Pozorrubio Police Station ang operasyon, katuwang ang Regional Intelligence Unit 1 (RIU 1), Police Regional Office 1 (PRO 1), at Pangasinan Intelligence Unit (PIU) ng Pangasinan Police Provincial Office. Isinagawa ang pag-aresto bandang alas-5:45 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong statutory rape.

Ang suspek, isang kwarentay-syete (47)-anyos na lalaki at residente ng naturang barangay, ay naaresto nang walang insidente. Ayon sa ulat, itinakda ang piyansa sa halagang ₱400,000.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Pozorrubio Police Station ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso.

Ayon sa pulisya, ang matagumpay na operasyon ay patunay ng pinaigting na kampanya laban sa mga wanted na indibidwal sa lalawigan. Ipinahayag din ng mga awtoridad ang kanilang patuloy na pangako na tiyakin ang kaligtasan ng komunidad at maipatupad ang batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments