‎₱12 MILYON PARA SA TULONG-EDUKASYON NG SAN NICOLAS, INILAAN; APLIKASYON SA EDUCATIONAL ASSISTANCE, BINUKSAN

Naglaan ang Lokal na Pamahalaan ng San Nicolas ng ₱12 milyon para sa programang tulong-edukasyon para sa mga kabataang San Nicolanian mula preschool hanggang kolehiyo.


‎Bilang bahagi ng programa, binuksan na ng LGU ang aplikasyon para sa Educational Assistance for College Students na naglalayong makatulong sa gastusin ng mga estudyante sa kolehiyo at mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng kanilang mga pamilya.


‎Tatanggap ng aplikasyon mula Agosto 19 hanggang Setyembre 2, 2026 sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Lunes hanggang Sabado, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.


‎Kabilang sa mga kinakailangang dokumento ang Patunay ng Paninirahan, Certificate of Enrolment, Certificate of Indigency, kumpletong General Intake Sheet mula sa MSWDO, at School ID para sa School Year 2026–2027, kung mayroon na.


‎Para sa mga estudyanteng wala pang School ID, maaari ring magsumite ng kopya mula sa school portal. Kinakailangan naman ang Birth Certificate para sa mga aplikanteng wala pang 18 taong gulang.


‎Ayon sa programa, itinuturing ng LGU San Nicolas ang edukasyon bilang prayoridad, puhunan at pangmatagalang pamana para sa bawat San Nicolanian. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments