SCHEDULENG 2026 BSKE, NANANATILI; PROSPECTIVE CANDIDATES SA PANGASINAN, PINAGHAHANDA NA

*‎*Nanatiling nakatakda sa November 2, 2026 ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng mga usap-usapan hinggil sa posibleng pagpapaliban o pagkansela ng halalan.

‎Ito rin ang nilinaw ng Commission on Elections (COMELEC) San Fabian sa isinagawang regular flag-raising ceremony ng Lokal na Pamahalaang Bayan, kung saan nagsilbing sponsoring department ang tanggapan ng poll body.

‎Ayon kay Ms. Jelena Manganaan, kinatawan ng COMELEC San Fabian, wala pa umanong opisyal na abiso mula sa COMELEC hinggil sa postponement o cancellation ng 2026 BSKE.

‎Dahil dito, hinihikayat ang mga inaasahang kandidato at iba pang stakeholders na maghanda batay sa kasalukuyang election calendar.

‎Naglabas na rin ng abiso ang Comelec Bayambang at Mangaldan sa isasagawang Pre-Candidacy Orientation para mga aspiring candidates na tatakbo para sa 2026 BSKE.

‎Kabilang naman sa mahahalagang petsang dapat bantayan ang September 28 hanggang October 5 para sa filing ng Certificate of Candidacy (COC), habang nakatakda naman ang campaign period sa October 22 hanggang 31.

‎Samantala, magsisimula ang election period o gun ban sa October 3 at magtatapos sa November 9. Ipinagbabawal naman ang pangangampanya sa bisperas ng halalan, November 1.

‎Sa ngayon, binibigyang-diin ng COMELEC ang kahalagahan ng pagsubaybay sa mga opisyal nitong anunsyo upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa iskedyul at mga patakaran ng halalan.

‎Habang papalapit ang filing period, inaasahang magiging mahalaga ang mga susunod na abiso ng COMELEC para sa mga prospective candidates, botante at iba pang sektor na kalahok sa 2026 BSKE. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments