TOP 2 MOST WANTED SA SANTOL, LA UNION, NAARESTO SA KASONG UMANO’Y PAGTATANIM NG MARIJUANA

Naaresto ng mga awtoridad ang isang magsasaka na kabilang sa Top 2 Most Wanted Persons ng Santol, La Union kaugnay ng kasong umano’y pagtatanim ng marijuana.

Isinagawa ang operasyon noong Agosto 4 sa Barangay Tubaday, Santol sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng hukuman.

Nahaharap ang akusado sa kasong paglabag sa Section 16, Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng umano’y pagtatanim ng marijuana.

Ayon sa korte, walang inirekomendang piyansa para sa pansamantala nitong paglaya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Santol Municipal Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order para sa paglilipat nito sa pangangalaga ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ayon sa La Union Police Provincial Office (LUPPO), bahagi ng kanilang pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person ang naturang operasyon upang matiyak na naihaharap sa hukuman ang mga akusadong may kinakaharap na kaso.

Pinaalalahanan din ng pulisya na ang akusado ay itinuturing na inosente hangga’t hindi pa napatutunayang nagkasala sa pinal na desisyon ng korte. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments