TOP 9 AT TOP 10 MOST WANTED SA DAGUPAN, ARESTADO SA KASONG CHILD ABUSE

Arestado Top 9 at Top 10 Most Wanted Persons sa lungsod ng Dagupan sa magkahiwalay na operasyon ng Dagupan City Police Office o DCPO noong Oktubre 2, 2026.

Unang naaresto ang kabilang sa Top 9 City Most Wanted Persons, sa operasyon ng mga tauhan ng City Mobile Force Company, Police Station 6, City Intelligence Unit at City Investigation and Detective Management Unit.

Makalipas ang ilang minuto, naaresto naman sa lungsod ang 42 anyos na kabilang sa Top 10 City Most Wanted Persons.

Pinangunahan ang operasyon ng Police Station 6, katuwang ang CIU at CMFC.

Kapwa may Warrant of Arrest ang mga suspek na inilabas noong Setyembre 22, 2026 ng Branch 107 ng Regional Trial Court, National Capital Judicial Region sa Quezon City, kaugnay ng paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610, o Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Itinakda ng korte sa ₱160,000 ang inirekomendang piyansa para sa bawat isa.

Sumailalim ang dalawa sa mandatory medical examination bago dinala sa Police Station 6 sa Tondaligan, Bonuan Gueset para sa dokumentasyon at kalaunan ay pansamantalang dinala sa DCPO Custodial Facility.

Ayon kay PCOL Arnold P. Solomon, City Director ng DCPO, magpapatuloy ang pinaigting na manhunt operations ng DCPO laban sa mga wanted person, partikular upang maprotektahan ang mga vulnerable sector gaya ng mga bata. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments