
Patuloy na isinusulong ng Department of Health (DOH) ang tuluyang pagbabawal sa paggamit ng vape sa Pilipinas.
Ito ay dahil sa masamang epekto ng vape sa kalusugan ng tao.
Ayon sa DOH, habang hinihintay pa nila ang batas sa total vape ban ay iminumungkahi rin nila na tanggalin ang iba’t ibang flavors nito sa merkado.
Sa pamamagitan anila nito ay maiiwasan ang pagka-engganyo ng mga kabataan na patuloy na gumamit ng mga vape.
Ipinunto pa ng DOH na maraming bansa na sa Asya ang tuluyang ipinagbawal ang paggamit ng vape.
Kabilang na rito ang Singapore, Thailand, Vietnam, Brunei, Cambodia, Laos, Myanmar, at Timor-Leste.
Habang nananatili naman daw malaya ang bentahan at pag-aangkat ng mga vape dito sa bansa.
Sabi pa ng DOH, ang total ban ang pinaka-simple at pinakamatipid na solusyon ngayong kumplikado ang mga polisiya at regulasyon sa paggamit at pagbebenta ng vape sa bansa.










