Wednesday, May 6, 2026

Manila LGU, gumagawa na ng hakbang kaugnay sa nadiskubreng drug-resistant bacteria sa ilang tindang palamig sa lungsod

Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng Maynila na gumagawa sila ng hakbang kaugnay sa nadiskubreng drug-resistant bacteria sa ilang tindahan ng palamig sa lungsod.

Kasunod ito ng naging pag-aaral ng University of the Philippines Manila na nakitaan ng drug-resistant bacteria ang 12 sample mula sa mga palamig stall sa Tondo.

Ayon kay Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, itinuturing nila itong high-priority public health concern na nangangailangan ng agarang aksyon.

Kabilang sa unang hakbang nila ang pag-iinspeksiyon sa 12 tindahan ng palamig na unang isinama sa pagsusuri.

Tinukoy din ngayon ang Tondo bilang isa sa high-risk areas sa lungsod.

Sinabi pa ni Padilla na ire-require nila sa vendors ang paggamit ng malinis na inuming tubig at yelo na mula sa mga aprubadong supplier.

Sa ngayon, magdedeoloy din ng sanitary inspectors ang Local Government Unit (LGU) sa anim na distrito ng Maynila para manghingi ng proof of certification.

Samantala, magkakaroon din ng mandatory vendor hygiene training program ang Maynila katuwang ang UP Manila kung saan bibigyan ng certification ang mga vendor na makakakumpleto.

Facebook Comments