Monday, July 13, 2026

Grupo ng mga mangingisda, nagkasa ng kilos-protesta sa Maynila para ipanawagan na umalis ang US forces sa bansa.

Nagkasa ng kilos-protesta ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) kasama ang ibang grupo sa Maynila para ipanawagan muli na palayasin na ang tropa ng Amerika sa bansa.

Isinasagawa nila ang protesta sa Kalaw Avenue matapos hindi payagan ng Manila Police District (MPD) na makalapit sa US Embassy.

Giit ng grupo, hindi tama na maglagay ang Amerika at kaalyado nila ng Economic Security Zone sa ilang bahagi ng Luzon.

Ilan sa mga ito ay planong AI-hub sa Tarlac, at rehablitasyon ng Sangley Point Airport sa Cavite.

Panawagan ng grupo, hindi nararapat na mamalagi ang mga sundalong Amerikano sa bansa dahil wala itong maidudulot na mabuti sa sitwasyon ng bawat pamilyang pilipino.

Magiging banta lamang din daw ang pamamamalagi ng tropa ng Amerika sa Pilipinas lalo na’t nagagamit lang ang bansa sa kagustuhan ng mga nasabing dayuhan.

Muli nilang apela sa pamahalaan na itigil na ang pagbibigay suporta sa Amerika at ituon na lamang ito sa pangangailangan ng pamilyang Pilipino.

Facebook Comments