Tuesday, June 9, 2026

TRICYCLE DRIVER ARESTADO SA KASONG PANGHOHOLDAP SA VIGAN CITY

Arestado ang isang 46 anyos na tricycle driver matapos umano nitong holdapin ang isang babae sa loob ng isang bahay sa Vigan City.

Batay sa imbestigasyon, bandang alas-2:40 ng hapon nang maganap ang insidente habang naglalaba ang biktima sa comfort room ng kanilang bahay. Nakaramdam umano siya ng kahina-hinalang kaluskos mula sa silid ng kanyang biyenan kaya agad niya itong sinuri.

Pagpasok sa silid, nadatnan umano ng biktima ang suspek sa loob ng kuwarto. Subalit bago pa siya makahingi ng tulong, agad siyang sinunggaban ng lalaki at tinutukan ng matulis na bagay sa tiyan habang pinagbabantaan na huwag sumigaw.

Matapos takutin ang biktima, tinangay umano ng suspek ang P22,300 na cash at isang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P20,000 bago tumakas.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, nagpakita ang mga tauhan ng Vigan City Police Station ng larawan ng isang posibleng suspek sa biktima. Positibo naman niya itong kinilala bilang ang lalaking umano’y nangholdap sa kanya.

Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga operatiba ng Vigan CPS na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang naarestong lalaki habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. Patuloy naman ang imbestigasyon upang mabatid kung may iba pa siyang sangkot sa kaparehong mga insidente sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments