Tuesday, August 11, 2026

TRO laban sa ₱85 wage hike, idudulog ngayong araw ng Akbayan sa Supreme Court

Alas-9:00 ngayong umaga ay magtutungo sa Supreme Court ang Akbayan Party-list kasama ang iba’t ibang leader ng mga manggagawa.

Ayon kay Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña, magsusumite sila sa Kataas-Taasang Hukuman ng liham bilang apela laban sa Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 152 na pumipigil sa implementasyon ng ₱85 daily wage hike sa National Capital Region (NCR).

Giit ni Cendaña, ang TRO sa umento sa sahod ay labag sa Labor Code, partikular sa Article 126 na nagsasabing hindi maaring pigilan ng korte o anumang entity ang proceedings sa National Wages and Productivity Commission at mga Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB).

Ayon kay Cendaña, sa ilalim ng Konstitusyon ay may administrative supervision ang Supreme Court sa lahat ng korte at court personnel kaya maaari nitong imbestigahan ang mga huwes dahil sa misconduct, gross ignorance of the law, undue delay, bias, corruption, at iba pang administratibong paglabag.

Binanggit ni Cendaña na bilang simbolo ng kanilang apela ay magpapakita ang Akbayan at iba pang grupo ng mga manggagawa ng “love letter” postcards na may mensahe ng pakiusap sa Supreme Court na manindigan sa panig ng mga manggagawa dahil tila nawasak ang puso dahil sa TRO sa wage increase.

Facebook Comments