
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mahigit 1,150 nagtapos ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa Ilocos Norte na gamitin nang wasto ang kanilang mga natutunang kasanayan para sa ikabubuti ng bansa.
Sa kanyang mensahe sa mass graduation sa Laoag City, sinabi ng pangulo na dalhin ng mga graduate saan man sila magpunta ang tatak ng kasipagan at husay ng TESDA.
Ayon kay Pangulong Marcos, umaasa ang pamahalaan na magagamit ng mga nagtapos ang kanilang natutunan upang makahanap ng trabaho, magkaroon ng kabuhayan, at makatulong sa pag-unlad ng bansa.
Ibinahagi rin ng pangulo na may ilan sa mga TESDA graduates na nais pang bumalik sa kolehiyo upang ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Kasabay nito, tiniyak ni Pangulong Marcos na patuloy na prayoridad ng pamahalaan ang edukasyon at maingat na paggamit ng pondo ng gobyerno para sa mga programang makatutulong sa mga Pilipino.










