
Ni-revoke ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng driver ng isang pampasaherong jeep na nakuhanan sa viral video na umiinom ng alak habang nagmamaneho.
Ayon sa LTO, tatlong nauna nang paglabag sa trapiko ang naitala laban sa driver, dalawang Disregarding Traffic Signs at isang Obstruction of Traffic.
Dahil itinuturing na ikaapat na paglabag ang pinakahuling insidente, ni-revoke na ang lisensya ng driver alinsunod sa Republic Act 4136.
Umamin din umano ang driver na gumagamit siya ng ilegal na droga, na isasama ng ahensya sa nagpapatuloy na imbestigasyon.
Inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya, habang pinadadalo naman sa pagdinig ang driver at operator upang magbigay ng kanilang sinumpaang paliwanag.
Inilagay na rin sa alarm status ang naturang jeep at ipinag-utos ang agarang pag-impound nito para sa inspeksyon at kaukulang aksyon.
Binigyang-diin ng LTO na maaaring malagay sa panganib ang mga pasahero at iba pang motorista kapag nagmamaneho ang isang driver habang umiinom ng alak o gumagamit ng ilegal na droga.










