MAHIGIT 120 BENEPISYARYO SA SAN CARLOS CITY, NAKINABANG SA FAMILY PLANNING AT PRENATAL SERVICES NG R1MC AT CITY HEALTH OFFICE

Mahigit 120 benepisyaryo ang nakilahok at nakinabang sa isinagawang Family Planning at Prenatal Check-Up Caravan ng OB-GYN Department ng Region 1 Medical Center (R1MC) katuwang ang City Health Office noong August 26 sa Arenas-Resuello Complex.

Layunin ng aktibidad na maisulong ang ligtas na pagbubuntis, responsableng pagpapamilya, at pangangalaga sa reproductive health ng mga kababaihan.

Bilang bahagi ng programa, nagsagawa ng maikling talakayan tungkol sa Family Planning upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga mag-asawa at indibidwal sa pagpaplano ng bilang at pagitan ng pagkakaroon ng mga anak batay sa kanilang kalagayan, pangangailangan, at kagustuhan.

Bukod dito, nagsagawa rin ng prenatal check-up para sa mga buntis upang masubaybayan ang kanilang kalagayan at ang kalusugan ng sanggol na kanilang dinadala.

Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng R1MC at City Health Office, layon ng caravan na mailapit sa mas maraming benepisyaryo ang mahahalagang serbisyong pangkalusugan at maitaguyod ang mas ligtas na pagbubuntis at responsableng pagpapamilya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments