TUCP, suportado ang tambalang BBM-Sara

63

Susuportahan ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), ang pinakamalaking labor group sa bansa, ang tambalan nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice-presidential aspirant, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, sa May 9 elections, ayon kay TUCP president at party-list Rep. Raymond Mendoza.

Sinabi ni TUCP spokesman Alan Tanjusay na ang desisyon ng grupo na suportahan ang tambalang BBM-Sara ay kasunod ng serye ng mga konsultasyon sa buong bansa sa mga miyembro ng labor groups at rank-and-file workers.

Ayon sa organisasyon, mayroon silang miyembro na nasa isa punto dalawang milyong manggagawa.


Inihayag ni Tanjusay na ang mga manggagawa sa major industries, gaya sa service, agriculture, at manufacturing ay kinonsulta sa pamamagitan ng online at  hybrid face-to-face meetings na nagsimula noong huling bahagi ng nakaraang  taon.

Idinagdag ni Tanjusay na masyadong malaki ang lamang ng nakuhang boto mula sa kanilang mga miyembro nina Marcos at Duterte-Carpio kumpara sa apat pang pares ng presidential at vice-presidential aspirants.

Facebook Comments